"Mukha ng Buwan"
Ika'y tila bawat mukha ng pala-ibig na buwan,
Gasuklay, Kabuoa't Kalahati, angkin nitong ngalan.
Bawat mukha'y iaayon sa nabubuo nating samahan,
Ilustrasyo'y bibigyan ng malalim na kahulugan.
Gasuklay na hulma'y gumuguhit at didisenyo,
Mananaha't mananatili sa nakangiting labi'y bubugso.
Aking angkin nama'y Kabuoan ng puso,
Sa tuwing Gasuklay mong ngiti'y nasusulyapa't napagsisino.
Kapwa hindi kinakailangan ng ating purong kaluluwa,
Liwanag at ningning na sa iba magmumula.
Ating payapang buwa'y magsisilbing lampara,
Sa madilim na kalangita'y mag-aalab sa tuwina.
Ang Kalahating Buwan ng aking paghagkan,
Kahating ika'y tunay na kinakailangan.
Sa iyong pamamagita'y kabuoan, mararanasan,
Sa mundong hati, magsisilbing tahanan.
Manatiling akin sa panghabang-buhay,
Ako'y iyo, sa paglubog ng araw na dalisay.
Magniningning, liliwanag, magsisilbing gabay
Sa tuwinang pinakamadilim na gabi'y nananalantay.
- Atsu
No comments:
Post a Comment