© All Rights Reserved

Pagpunan ng Puwang

      

Hands

 "Pagpunan ng Puwang

Sa patuloy na pag-usbong ng angking paa,
Kapaligira'y tahimik, liban sa ingay ng ulap na lumuluha.
Paragwas na nagsilbing panangga, sa kalangita'y nakatingala,
Pinagmamasdan, hinahangaan, gabing tila payapa.

Sa patuloy na pagyapak, isipa'y napuno ng katanungan,
Sa kung paanong tila sinusundan ng haring buwan.
Tahakang nababalot ng kamponang kadiliman,
Nagsilbing kaagapay, tagapagpalinaw ng magulong isipan. 

Sa ilalim ng luhanang ulap at bituing kislapin,
Nagbigay-daang repleksyunan ang sitwasyong daanin.
Piliing manatili, o piliing waksin,
'Di-angkop sa lipuna'y ninanais ng damdamin. 

Kahaharaping resulta'y 'di masukat ang bigat,
'Di maisipang ipagpalit, puso higit sa katiyakang panlahat
Pagpiling manatili'y 'di maisipang maisulat
Sapagkat sa reyalidad ng buhay ay nararapat na mamulat.

Ang bawat daliri sa kamay ay makikitaan ng pagitan
Mula hintuturo't hinlalaki, tila may puwang na nakalaan.
Sa takot at kaba, daaning sitwasyo'y winaksan,
Pagitan sa bawat daliri'y, sariling kamay ang hahagkan.

                                                                                                              - Atsu

Mukha ng Buwan

      

Moon

 "Mukha ng Buwan

Ika'y tila bawat mukha ng pala-ibig na buwan, 
Gasuklay, Kabuoa't Kalahati, angkin nitong ngalan. 
Bawat mukha'y iaayon sa nabubuo nating samahan, 
Ilustrasyo'y bibigyan ng malalim na kahulugan. 

Gasuklay na hulma'y gumuguhit at didisenyo, 
Mananaha't mananatili sa nakangiting labi'y bubugso. 
Aking angkin nama'y Kabuoan ng puso, 
Sa tuwing Gasuklay mong ngiti'y nasusulyapa't napagsisino. 

Kapwa hindi kinakailangan ng ating purong kaluluwa, 
Liwanag at ningning na sa iba magmumula. 
Ating payapang buwa'y magsisilbing lampara, 
Sa madilim na kalangita'y mag-aalab sa tuwina. 

Ang Kalahating Buwan ng aking paghagkan, 
Kahating ika'y tunay na kinakailangan. 
Sa iyong pamamagita'y kabuoan, mararanasan, 
Sa mundong hati, magsisilbing tahanan.

Manatiling akin sa panghabang-buhay, 
Ako'y iyo, sa paglubog ng araw na dalisay. 
Magniningning, liliwanag, magsisilbing gabay 
Sa tuwinang pinakamadilim na gabi'y nananalantay.

                                                                                                              - Atsu

Perpeksyon sa Buhanginang Palasyo

     

Beach

 "Perpeksyon sa Buhanginang Palasyo

Sa sayaw ng dagat, sa paghampas ng alon,
Isipang nag-iisa ngunit puso'y tumatalon.
Sa pagdaan ng kampanang tunog mula sa sorbetes,
Makenaryo'y tumitinig kasabay ang kanilang boses. 

Nakatutuwang makita, ligaya sa mukha ng mga bata,
Sinusulit, ninanamnam, paglangoy sa tubig-hiwaga. 
Pamilyang nagsama-samang paligayahin ang puso, 
Mga kastilyong nakatayo, sa mala-buhanging palasiyo. 

Tinig sa'king tainga, galaw ng hangin,
Tunog ng tubig alat at huni ng mulawin.
Tila kumokumpusa ng kantang kalikasan, 
Tunay na nakamamanghang pakinggan. 

Yapak ng mamamayang nagiwan ng marka, 
Sa buhangina'y tila naging tanda.
Tanda ng saya, ligaya't pagsasama, 
Na sa bakasyo'y nakamta't ninasa.

Sa puno ng niyog ay nakasandal, 
Pinagmamasdan ang gawa ng Maykapal. 
Nakakabaliw mang isipi't pakinggan,
Ngunit perpeksiyon ang salitang sa paraisong ito'y nakalaan. .

                                                                                                              - Atsu

Siya'y Pagmasdan

    

Inside Beauty

 "Siya'y Pagmasdan"

Siya'y inyong mainam na pagmasdan, 
Kaylayong lupai'y kaniyang nadaratnan, 
Mga hamong kinahaharap ay napagtatagumpayan, 
Isa siyang tunay na bituin sa madilim na kalangitan. 

Siya'y inyong pagmasdan ng inyo ding makita, 
Mga pagsubok ay patuloy na pinagdadaana't nagdusa, 
Kalayaang tunay sa mata nito'y natatamasa, 
Bawat tindig ng katawa'y ramdam ang hinahangad na pag-asa. 

Inyong pagmasdan ang angkin niyang pagsibol, 
Patuloy na napagyayaman, karunungang ginugol, 
Kabutihang angkin ang tinuring na pastol, 
Sariling buhay nito'y siya ring hahatol. 

Ating pagmasdan ang kaniyang mga palad, 
Mga palad na mula sa kadena'y uusad, 
Mula sa pagkakandado'y sarili'y uunlad, 
Ang mariposang nakaposas ay ngayon di'y lilipad.

                                                                                                              - Atsu

Sariling Hamon

   

Mental Breakdown

 "Sariling Hamon"

Sa bawat pagbasa sa dahonang-pahina ng aklat, 
Sa lahat ng larangan, pagbasa man o pagsulat.
Kabuoan nito'y madali yaring nauunawaa't nasasalat, 
Pagkatuto'y dagliang nababatid at laging sapat. 

Sa tahimik na pamumuhay ng mariposang tiyak, 
Lupon ng tao'y daraa't magbibigay tuwa't galak.
Galak na panandalia't sa salungat na daan ang itatahak,
Sa paglisan nila'y hirap pagmasdan ang paglayong-yapak.

Natural na lumalabas ang pagiging palakaibigan, 
Pagkausap sa kapwa'y tila kaydali't walang pilitan. 
Personalidad na kaybuti't kaygaan,
Nagsisilbing sandata sa gerang puso ang labanan. 

Sa pagtapak sa entabladong puno ng tagapanood, 
Pinatayog na lakas ng loob ay waring natisod. 
Sa bawat buka ng labing nagpapakitang talentong ubod, 
Namamasid sa kumikislap na mata ng madla, diskriminasyong hinahagod.

                                                                                                              - Atsu

Katutubong Wika, Yaman ng Pilipino

  


Katutubo

 "Katutubong Wika, Yaman ng Pilipino"

Kasabay ng walang tigil na pagdaloy ng buhay,
Patuloy din ang pagyaman ng wikang Filipinong dalisay.
Sa paglipas ng mga dekadang humubog ng kasaysayan,
Mga natatanging salita’y patuloy na naiimbento’t natutuklasan.

Ang kasalukuyang panahong tutungo sa pagmoderno,
Nagbibigay-daan sa paglawak ng ating bokabularyo.
Subalit patuloy ding pakatandaa’t bigyang atensiyon,
Kung paanong wika’y nahubog, napagyama’t nilipon.

Ang wika’y nagbabago sa bawat panahong lumipas,
Kahalagahan nito’y di natin namamalaya’t naitatalastas.
Kasabay ng paglago ng ating isipa’y wika’y ibahagi sa sangkatauhan,
Bago umusbong ay balikan kung paanong Filipino’y ating napagyaman.

Katutubong wikang kinagisnan ng mga ninunong walang saplot,
Malimit na pinag-aarala’t kadalasan nang nililimot.
Aanhin mo pa ba ang paggamit ng wikang banyaga,
Kung sariling wika’y hindi mo na matalima?

Ita, Waray, Tausug, Ivatan man o Mangyan,
Tunay na nakamamangha ang bawat paraan.
Paraan ng pagprepreserba ng tradisyon, kultura’t sining,
Na nararapat lamang na aralin upang patuloy na magningning.

Mamamayang Pilipino, bata man o matanda,
Huwag masanay sa pagbigkas banyaga.
Katutubong wika’y gamiti’t maging makabayan,
Upang mga henerasyo’y madama, wikang tunay na ating yaman.

                                                                                                              - Atsu

Namumukod-tanging Ikaw

 

Self Love

 "Namumukod-tanging Ikaw"

Sa bawat hakbang ng mga paang magkasalungat, 
Titig at paningin ng madla'y sayo'y nakalapat, 
Tila mga agilang biktima'y pinagmamasdan, 
Nakikita't hinuhusgahan ang itsura't kilos ng katawan. 

Sa kadahilanang ito'y pagkabalisa'y nabuo, 
Sumakop at bumalot sa buo mong pagkatao, 
Ano nga bang kasalana't pagkatao nati'y natatapakan, 
Hinuhusgaha't pinagdududahan ang angking kakayahan. 

Sa panahong ang mga ito'y iyo ng nadama; 
Huwag sanang paaapekto sa titig ng iba, 
Titig na tiyak na makasasakit at makasisira, 
Sa kung paanong ang sarili mo'y iyong nakikita. 

Relihiyon, pananaw, kasuotan o kasarian, 
Nasa saiyo ang desisyon kung paano ito panghahawakan, 
Huwag mag-alinlangang lumihis at lumiban, 
Sa daloy ng pag-iisip at pananaw ng sinilangang lipunan. 

Huwag matakot na mabukod-tangi't maiba 
Kung sa paarang ito nama'y ika'y sasaya 
Titig at husga ng lipuna'y ipagpaliban na 
Sapagkat ang mga ito'y hihilahin ka lamang pababa.

                                                                                                              - Atsu

Natatanging Kabanata


Book

 "Natatanging Kabanata"

Kung ika'y nababasa sa paraang nobela'y nauunawaan, 
Bawat titik, salita, pangungusap at parirala'y aalamin ang kahulugan. 
Babasahi't uunawaing banayad at dahan-dahan, 
Mga eksena't tagpo sa istoryang tayong dalawa ang tauhan. 

Kasabay ng paglapit ng ating katawan ang paglaya ng kalooban, 
Pintig ng ating puso'y tila musikang sa tainga'y kaygaan. 
Maari bang oras ay pigilan? 
Sa eksenang ito'y istorya'y tuluyan nang wakasan? 

Kung ating kuwento'y salungat sa wakas ng nobela, 
Kung ang katotohana'y sisira sa pagmamahalang itinakda, 
Pipiliing tandaan mga talata't saknong ng lupon ng letra, 
Kung saan tayo'y magkahawak, puso'y maliligaya. 

Ninanais na manatili sa kaygandang kabanata, 
Tigilan ang pagbabasa't huwag ituloy ang istorya, 
Pigilan ang sariling ilipat ang pahina, 
Kung saan wakas ay ang paghiwalay ng landas nating dalawa.

                                                                                                              - Atsu

Rosas sa Pagkakaibigan

Rose
 "Rosas sa Pagkakaibigan"

Pagkakaibigang sumibol na tila rosas,
Patuloy na namumulaklak sa mga panahong lumilipas.
Dumaan man ang mga sitwasyong susubok na manira,
Katibayan ng pagsasamay 'di kailanman malalanta.

Ugat kayong ituring,
Sa pamamagitan niyo'y nag-ugat, pagsasamahang may ningning.
Tayo di'y tinik ng bawat isa,
Sapagkat maling trato sainyo'y handang prumotekta.

Relasyon nating tatlo'y tila angkin nitong halimuyak,
Halimuyak na laging andyan, mapatahan ang umiiyak.
Mula sa mga payo'y nakatutulong sa iba,
Karunungang mula sa Kanya'y naibabahagi sa madla.

Lumipas man ang araw na talutot ay malalanta,
Pakatandaang pag-ibig sa inyo'y 'di mawawala.
Nawa'y dumating ang panahong magkita tayong tatlo,
Ng pagkakaibiga'y patuloy na mamulaklak sa susunod na mga siglo.

                                                                                                              - Atsu